"Pag-Ibig"
Alas-nuwebe ng gabi, habang nakahiga sa gitna ng damuhan, aking nababanaag ang liwanag ng bilog na buwan at mga bituing para bang mga kulisap sa kalawakan. Walang ibang liwanag kundi sila lamang. Kung ihahalintulad sa mga babasahing pang-panitikan, ang gabing ito'y wari bang eksena sa pelikulang katatakutan. Isang kwento na pinagbibidahan ng mga maligno, duwende at aswang.
"Inaaaaaayy!!!" sigaw ni Berto.
"Sssssshh...!" saway ni Beybi. "Ano ba, Berto? Nananaginip ka na naman, kung anu-ano kasi ang pinagbababasa mo eh. Sabi na nga ba, hindi na kita isinama dito sa silid-aklatan. Nag-ingay ka na naman."
"Bakit ba? Ang ganda ng kwento, eh!" sumbat ni Berto.
"Maganda?? Eh, ba't mo tinutulugan?" bawi ni Beybi. "Saka masyado ka nagpapadala sa mga kwento na yan, daig mo pa ang nanonood ng pelikula pati yung nasasapian ng masamang espiritu."
"Nakakatakot kasi ang kwento, kaso may parte na medyo nakakawalang-gana, ayun tuloy."
"O, siya, bago ka pa nila iluklok na pinuno ng KaBa-yan, sumama ka na sa akin at mananghalian na tayo."
"Kabayan?" pagtatakang tanong ni Berto.
"KaBa-yan.. Kagawaran ng Baliw na Mamamayan! Ha! Ha! Ha!" biro ni Beybi. "Halika na!"
At ang dalawa ay dahan-dahang tumayo at nilisan ang silid-aklatan para dumiretso sa kantina habang tuloy ang pabirong pag-uusap.
"Ang bilis naman ng oras, tanghalian na pala agad. Kaya naman pala kumakalam na'ng sikmura ko. Eh, ano bang ulam natin?" sabay tanong ni Berto.
"Natin? Natin talaga, ha? O sige, galunggong! O, hahati ka pa rin?" pilyang biro ni Beybi.
"Galunggong, hawot, o kahit pa asin lang ang didildilin natin, sasaluhan kita, sa hirap o ginhawa!"
"Tse! Tumigil ka nga dyan!" naasar na tugon ni Beybi. Pero sa loob-loob niya, kinikilig siya.
Matagal nang magkaibigan sina Berto at Beybi. Mula elementarya hanggang sa mataas na paaralan ay palagi silang magkaklase, palaging magkasama. At sa haba ng panahong iyon, hindi maipagkakailang nahuhulog na ang loob nila sa isa't-isa.
Walang oras na hindi naiisip ni Berto si Beybi. Hindi pa siya kuntento sa limang araw sa isang linggo na sila'y nagkakasama. Kaya naman kung titingnan mo ang ilalim ng kanyang unan, nandoon ang larawan ni Beybi na gabi-gabi n'yang pinagmamasdan bago matulog. Minsan pa'y kinakausap niya ito, manaka-nakang hahalikan at sasabihan ng, "Mahal Kita". At tuwing sasambitin niya ang mga salitang iyon, hindi mahagilap ng kanyang hinuha kung kelan, saan at paano nga ba siya magtatapat sa magandang dilag. Daig pa ang kaba sa pagsali sa Bagsik ng Panitik.
Naalala niya ang binasa niyang aklat kanina, sa damuhan, sa ilalim ng buwan at mga bituin.
"Pero walang mga multo!" sambit ni Berto. Hindi nya namalayang binibigkas na pala niya ang nasa isip nya.
"Ha?? Nananaginip ka ba nang gising? Pausap nga sa'yo, Berto, huwag ka na magbasa ng ganung kwento. Ako ang mababaliw sa'yo eh!" reklamo ni Beybi.
"Sana lang nga mabaliw ka sa akin!", pabirong bawi ni Berto, sabay akbay sa dalaga.
"Mukha mo!" sigaw ni Beybi sabay pilit na inalis ang braso ni Berto sa kanyang balikat. Kung hindi lamang siya nahihiya, hindi sana niya pipigilan ang binata sa pag-akbay sa kanya. Palagi niya'ng iniisip na sana ang lalaking kasama nya mula bata pa siya, ay siya ring makakasama niya habang buhay.
Noong nasa ikatlong baitang pa lang sila Berto, malimit sila manood ng mga fairytale na pelikula. Lagi niya iniisip na siya ang prinsesa at si Berto naman ang prinsipeng wari'y isang bayani na sasagip sa kanya mula sa mapangit na mangkukulam. At gaya ng katapusan ng bawat pelikulang pinapanood nila, inaasam din niyang magkakatuluyan din sila pagdating ng panahon.
"Dun na lang tayo sa damuhan", aya ni Berto.
"Tanghaliang tapat, Berto, sobrang init!" pagtanggi ni Beybi.
"Eh di dun tayo sa malilom, dun o", sabay turo ni Berto sa gawi ng punong mangga.
"Picnic?!Ang arte mo ha, 'lika na nga!" padabog na aya ni Beybi habang nakangiti.
At ang dalawa'y nagtungo sa ilalim ng puno. Pagkarating doon ay agad inihanda ni Beybi ang baong pananghalian. Pinagsaluhan nila ang kakarampot na pagkain na tama lamang para sa isang sikmura. Ngunit gayun pa man, mababanaag ang sarap ng pagsasalo ng dalawa. Busog sila hindi sa pagkain, kundi sa pagmamahal sa isa't-isa.
"Nabusog ka ba?" tanong ni Beybi kay Berto.
"Busog na busog! Masarap ka pala magprito! Ha! Ha! Ha!" biro ni Berto.
"Loko ka! Prito ng nanay ko yun!" pabiro ding sagot ni Beybi.
"Yaan mo, matututo ka ding magluto pag mag-asawa na tayo", kantyaw na naman ni Berto.
"Tse! Akala mo naman papatulan kita no! Mangarap ka!" pairitang sagot ni Beybi. Ngunit hindi niya napigilan ang matamis na ngiti at hindi iyon nakawala sa paningin ni Berto.
"Uuuuy! Kinikilig siya! Gusto mo rin ako, 'no?" masayang tanong ni Berto. Pero sa kabila ng pananabik sa sagot ng dalaga ay ang halong kaba sa maaaring pag-hindi nito. Kaya't hindi na niya binigyan ng pagkakataong makasagot pa ito at bigla niyang hinila ang dalaga pahiga. Lumapat ang mga likod nila sa damuhan habang sabay na nagtatawanan.
Ito na ang matagal na pinapangarap ni Berto. Silang dalawa, magkatabi sa damuhan. Naroo't hindi nga gabi, walang buwan at mga bituin. Wala silang ibang nakikita kundi mga ulap at 3 pulang saranggola. Ngunit para sa kanya, ang pagkakataong ito ay sapat na.
"Ahh, Beybi..", anas ni Berto.
"Ha?" sagot ni Beybi.
Kinakabahan si Berto ngunit ito na ang pagkakataon niya. "Ahh, kasi ano eh.."
"Nananaginip ka na naman ba, Berto?"
"Hindi ah! Hindi panaginip 'to." Tama, hindi na panaginip ito, sa loob-loob ni Berto, ito na ang pagkakataon ko.
"Nakikita mo ba yung 3 saranggola?" at itinaas ni Berto ang kanang kamay niya habang tinuturo ang mga saranggola.
"Oo, bakit?"
"May ibig sabihin yan..", sagot ni Berto.
"Ha! Ha! Alam ko na 'yan! I love you!" patawang biro ni Beybi.
"Hindi ah!" sagot ni Berto sabay iginawi ang tingin niya sa kanan kung nasaan si Beybi.
"Eh ano?" tanong naman Beybi, at nagtama ang kanilang mga mata.
"Mahal din kita", sagot ni Berto.
salamat sa paglahok :)
ReplyDeleteSalamat SA'YO, kuya Bino! :) bigla ko napagtantong baka may kinabukasan ako sa pagsulat ng pocketbooks. hehehe! :)
DeletePanibagung mahusay na entry :) good luck po!
ReplyDeleteSalamat! Goodluck sa atin! :)
DeleteNaks naman, kapag may adrenalin rush sa pagsusulat at pushed to the wall ka na sa deadline ay talagang may mapipiga at mapipiga talaga ;)
ReplyDeleteGood luck, Reena!
Wooow! :) salamat po! mukang sa ganun po atang pressure nagwwork ang imagination ko. mood, pressure, time. hehe!
Deletenice...my future tlga nenay!...am proud op yu!!.. ;)
ReplyDeletethanks madz! :)
Deleteayiii cheeziii! hehe
ReplyDeletesana kinilig ka, kuya Bon! :D
DeleteNagbasa. Humusga. Tama pwede nga sa kwentong pocketbook. Pasok na pasok. Good luck sa entry. Napangiti ako sa sinabi ni Berto. :)
ReplyDeletemaraming salamat! :)
Delete