> [greater than]

Mahal kita.

Sa punto ng buhay natin ngayon, hindi ko alam kung tama bang sabihin ko sa’yo ang mga katagang yan. Hindi na kasi gaya ng dati. Hindi ka akin. Walang opisyal na tayo. Hindi natin pwedeng husgahan ang mga gawain ng isa’t-isa, pagbawalan sa mga bagay na ayaw nating gawin ninuman sa atin, pagselosan sa kung paano man tayo makitungo sa ibang tao, punahin ang mga mali ng isa’t-isa lalo pa’t di apektado ang sinuman sa ating dalawa. Hindi na ganun. Pero masaya na rin ako (kahit paano).


Bakit?


Ilang beses ko na nga bang nasambit ang tanong na yan para maintindihan ang mga bagay na nagpagulo sa isip ko, nagpabago ng masayang buhay ko, nagpasakit lalo ng sadyang maysakit ko na’ng puso? Hindi ko alam ang eksaktong bilang pero sigurado akong mas madami pa sa pinagsama-samang patak ng mga luha ko, mga sinindihang kandila na may kalakip na panalangin ng pagbabalik mo, at mga bote at baso ng alak na kailanman ay hindi ko inakalang matututunan kong inumin. Hindi ko natagpuan ang konkretong sagot. Hindi ko nakuhang itanong sa’yo, natatakot ako sa magiging sagot mo eh. Pero nawala ang takot ko nung minsang ikaw ang nagtanong nyan sa’kin. Sabi mo, “Bakit, ano bang nangyari sa’tin?”. Hindi ko alam kung tama ang isinagot ko, “Ikaw lang naman eh.. Ikaw kasi..” Ganun pa man, masaya akong dumating ka sa puntong tinanong mo din ako. Dahil sa tanong mo, nasagot ang isa ko pang tanong.


Kelan?


Mag-iisang taon na halos mula nung nagsimula ulet akong magnovena tuwing Miyerkules. Hinding-hindi ko makakalimutan ang pangalawang Miyerkules ko. Iba naman kasi ang pakay ko kung bakit ako nagbalik sa pagnonovena eh. Nung una, dahil gusto ko lang magdasal, bumalik sa debosyon ko. Yun lang. Pero ilang araw mula nung unang Miyerkules na yun, binasag mo ang kapanatagan ko dahil bigla-bigla na lang ayaw mo na. Kaya pagdating ng ikalawang Miyerkules ng pagnonovena ko, nagkaron ng direksyon ang mga panalangin ko.

Nakagawian ko nang magsindi ng kandila pagkatapos ng novena, hindi iisa o dalawa lang ang sinisindihan ko nung una. Kalimitan ay tatlo o apat: isa para sa akin, isa para sa pamilya ko, isa para sa mga lola’t lolo ko, at isa para sa’yo. Hindi bababa sa limang minuto ang pagdarasal ko, pinakamahaba ang ginugugol ko para sa’yo. Siguro iniisip mo ngayon na ipinagdarasal kong sana eh bumalik ka. Oo, totoo, pero sa loob-loob ko lang yun. Hindi ko makuhang sambitin sa Kanya ang paghiling sa pagbabalik mo. Basta ang alam ko lang, ipinalangin kong sana ay naging at maging masaya ka sa desisyon mo, at makuha mo kung anuman ang dahilan ng pangyayaring yun sa atin, maging worth it kumbaga. Kasama na syempre sa dasal kong ilayo ka sa kapahamakan, maging ayos ang kalusugan mo, maging ok palagi ang pamilya mo at magawa mo na ang mga bagay na gusto mong gawin.

Siguro malakas ako kay God, tingin ko naman eh dininig nya ang mga panalangin ko. Kaya tuloy medyo kumapal ata ang mukha ko, umepal ang mga dasal ko. Na kesyo sana isang araw bigla ka na lang bumalik, na mauntog ka at sabihin sa sarili mong mali ka, na ako na lang ulit. Parang tanga ‘no? Dasal ng desperada. Sa panahon na yan, dalawa na lang ang kandilang sinisindihan ko: isa para sa pamilya ko (kahati na dun sina lola at lolo), isa para sa’yo. At gaya ng dati, hindi pa rin bababa sa limang minuto ang pagdarasal ko. Oo, mas mahaba pa rin ang ginugugol ko para sa’yo.

Ilang Miyerkules pa ang dumaan na paulit-ulit ang panalangin ko. Hindi naman natupad, at nagtampo pa nga ata si God kasi naging mailap ka sa’kin nung mga panahong yun. Naisip kong may gusto Siyang iparating. Kaya nung mga sumunod pang Miyerkules, ang dalawang kandilang sinisindihan ko ay para na lang sa akin at para pa rin sa’yo. Gaya nang dati, hindi bababa sa limang minuto ang pagdarasal ko. Pero ang ginugugol kong mas mahabang oras ay hindi na para sa’yo, para sa akin naman. Muntik ko na’ng makalimutan na nasaktan nga pala ako at kelangan kong pagalingin ang sarili ko. Kaya hiniling ko na maging matatag ako, masaya at kuntento. At para sa’yo, ipinagdasal kong maging ayos ka sa kinaroroonan mo, malayo sa sakit at kapahamakan, masaya sa mga bagong tao sa buhay mo at maging ok ang pamilya mo. At noon dininig ni God ang panalangin ko.

Pero sa kagaya kong madrama sa buhay lalo pa’t sa larangan ng pag-ibig, hindi mawawala ang panahon ng kalungkutan at pangungulila. Siguro tanong ng ilan, “Wala bang iba?” Meron, kahit paano ay merong mga lumapit pero sa di ko alam na dahilan, wala naman akong napusuan. Hanap ako nang hanap pero di ko sila tinitingnan. Mahirap maging bulag kaya mas mabuti pang maging mag-isa na lang. Mainipin akong tao pero natuto akong maghintay. Sa mga panahon na yan, may mga pagkakataong isa na lang ang kandilang sinisindihan ko: para sa’yo na lang. Huwag na ako, ok na ako eh. Kasama ng panalangin ko para sa kapakanan mo, isinabay kong sana eh maging magkaibigan ulet tayo. At nangyari naman.


Hindi maiiwasang balikan ang sakit pero mas pinipili ko pa ring huwag nang ungkatin ang lahat dahil ibang klaseng kirot, yung literal na kirot at ngimay sa puso, ang nararamdaman ko pag naalala ko ang nakaraan. Hindi ako eksaherado, ilang Inderal din ang nainom ko sa tuwing nakakaalala ako ng hindi maganda. Kaya sa tuwing magkakausap tayo, masasaya at mga bagong bagay lang ang gusto kong marinig at sabihin. Tama na ang sakit, tapos na yun,. Heto na tayo o, gumagawa ng bago nating magandang kwento. At kasabay nito, isa na lang din ang sinisindihan kong kandila: para sa akin, dahil yung akala kong ok na ako, di pa pala. Hindi nga lang pala sa atin umiikot ang mundo ko. May iba din nga pala akong problema. Kung dati ay hinihiling kong pagaanin Nya ang problema ko, ilayo ako sa sakit at kapahamakan, maging masaya, mahalin ng taong mahal ko, hindi na ganun. Nag-iba na ang paraan ko ng pagdarasal at sa tingin ko ay mas kaaya-aya etong pakinggan para kay God.

Hiniling ko sa Kanya na gaya ng dati ay bigyan Nya ako ng sapat na kaalaman, katatagan ng loob, at kaliwanagan ng isip para malutas ko ang mga problema ko, para sa pamilya ko, para maiwasan ko ang mga bagay na maaring maging dahilan ng pagkakasakit at kapahamakan ko. Hiniling ko ring maging mas mabuting tao ako, magkaron ng mas mahabang pasensiya at malawak na pang-unawa para maintindihan ang mga hindi ko mawatas na pangyayari sa buhay ko. At higit sa lahat, na bigyan ako ng panahong ayusin ang sarili ko para maging karapat-dapat para sa pagmamahal mo. Kung KELAN yun, Siya lang ang nakakaalam. Makasarili pa ba ang panalangin ko? Sana naman ay hindi na, no?


Kaya sa bagong puntong ito ng buhay natin, di ko maiwasang sabihing mahal kita. Ano bang magagawa ko? Yun ang totoong nararamdaman ko eh. Kelanman hindi ko nagawang magsinungaling sa’yo lalo pa’t tungkol sa damdamin. Mahirap magkimkim ‘no? Mamaya eh atakihin pa ‘ko. Kung iniisip ng iba na sama ng loob lang ang pwedeng kimkimin at isabog, mali sila. Dahil sa buong panahon na nakilala, nakasama at nakausap kita, mas lamang pa rin ang kinimkim kong pagmamahal kesa sama ng loob pero hindi ganun karami ang naisabog ko para sa’yo. Kahit ilang libong Mahal Kita at I Love You’s na ang nasabi ko sa’yo, hindi pa rin sapat yun para iparamdam sa’yo ang nasa kalooban ko. Tanda ko pa nga yung sinabi mo dati, na kung may mga salitang mas higit pa sa I Love You para maiparamdam ang pagmamahal mo, yun ang sasabihin mo. Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung ano nga bang kataga ang akma para dun, pero naramdaman ko na din yun at nararamdaman pa rin hanggang ngayon. At yun ang gusto kong iparating sa’yo.



> mahalkita

Comments

  1. ang ganda! ang galing naman ng post mo.. punong puno ng pagtititwala sa Kanya.

    mix ang emotion habang binabasa ko, namamangha ako sa mga katagang binibitawan mo.. parang lahat sila tugma tugma..

    maswerte lang talaga sya dahil kahit wala na kayo kabutihan padin nya ang hinihiling mo.. sana nga dumating yung panahon na wala ng itatago pa i ikikimkim ehehe, pinakamasarap talaga sa mundo ang pangyayaring umiibig ka! ayiii~!~

    have a nice day buninay!!

    ReplyDelete
  2. Girl, you inspire me so much... your full of love!

    Don't change, okay?...

    Keep it up friend...

    We love you as always...mwah!

    ReplyDelete
  3. thanks, mare! :) iba talaga 'tong isang 'to eh, ewan ba ga! :D

    miss you! :)

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

"Pag-Ibig"

Easy Lunch

happy tears.