HANGGANG SA MULI

Ilang araw na lang ang nalalabi at pansamantagal na'kong mawawalay sa'king bayang sinilangan. Hindi ako sanay sa ganitong sitwasyon. Ako ang tipo ng taong mas gustong umungkot sa sofa maghapon habang nanonood ng tv at tuluyang makatulog, o magkulong sa kwarto at lumayo sa mundo kasama ang isang bagong libro. Magala din naman ako pero pag lumalabas, malamang na ang kasama ko ay mga barkada, pinsan, kaopisina, pamilya at kung minsan ay mag-isa. Hindi rin ako mahilig lumabas ng probinsya, kung sakali man, ay isang madibdibang pamamaalam ang magaganap sa pagitan ko at ng aking mga magulang. Sa madaling salita, hindi ako sanay lumayo.

Sa puntong ito, hindi ko alam kung ano ba ang mga dapat kong maramdaman. Wala nang isang linggo at ako'y tuluyang lilipad na patungo sa bayang napakaiba at malayo sa Pinas. Pasalamat na din lang at kahit pano'y nakakapag-Ingles naman ako at hindi na nangangailangang lubusang pag-aralan ang wika nila.

Nakakasabik ba? Oo naman! Lalo pa't alam kong sa paraang ito ay mas matutugunan ko ang mga pangangailangang hindi lang pansarili kundi mas higit na para sa aking pamilya.
Nakakatakot ba? Kaunti lang, dahil nga sa hindi ko naman alam ang kanilang gawi at kailangan ko pa itong pag-aralan para madali naman akong makisama sa gaya nila. Isa pa, hindi naman ako gaanong natatakot dahil may kapamilya naman ako na makakasama dun (Salamat talaga, ate Aai!).
Nakakalungkot ba? WALANG DUDA!

Hindi naman sa pagmamayabang, bagama't ako'y may pagkamataray at suplada, napakarami ko namang kaibigan at kapamilya. Iba't-ibang tao, iba't-ibang grupo pero sa napakaswerte kong kalagayan, lahat sila'y kaibigan at kapamilya ko. Ngunit lahat din sila ay sobra-sobrang mamimiss ko. :'(

Sino-sino nga ba kayo?

mga kaklase at barkada ko sa kolehiyo.
Graduation pa nung huli kong nakita ang karamihan sa kanila kaya naman humiling akong sana ay magkasama-sama naman kami at pinalad na matugunan. Sa katunayan, bukas (Sabado) ay nakaplano na ang aming pagkikita at dito pa sa Lipa ha! Salamat naman at sa lagay na ito eh ako ang dadalawin nila. :D

mga kaibigan at kaopisina.
Sa loob ng mahigit apat na taon, sila ang aking naging ikalawang pamilya at ang di-pormal na paaralang mas humubog pa sa aking kaalaman. Lahat sila mamimiss ko: mula una hanggang ikaapat na palapag ng gusaling iyon pati na ang buong ka-plantahan. Masyadong madami kung iisa-isahin ko sila, basta ang alam at ramdam ko, lahat sila ay may naiwang tatak sa puso ko.
Sa lahat sa kanila, siyempre ang hindi ko pinakamakakalimutan ay mga ka-departamento ko. Sila yung mga itinuturing kong kapatid dito. Walang ilihim sa amin, mapa-trabaho o personal na isyu, nagkakakwentuhan. Ang maganda pa sa aming samahan, kung trabaho ay trabaho, kung biruan ay biruan, at minsan, kung nagkakaproblema man ay napapag-usapan, nalulutas din at minsan ay naidadaan pa sa biro para gumaan. (Teka, parang naiiyak na ata ako, umpisa pa lang'to) Mamimiss ko kayo, alam n'yo yan. Kaya salamat talaga sa lahat ng ating pinagsamahan.

mga kaklase at barkada sa mataas na paaralan.
Mahigit sampung taon na ang samahan namin, at hanggang ngayon, walang kapaltos-paltos, masasabi kong napanatili namin ang masayang pagkakaibigan. Hindi man buong barkada ang palaging nagkakasama-sama, pag nagkita-kita naman, parang hindi nagkahiwalay ang turingan. Mamimiss ko ang pagtetext sa buong barkada para sabihing may lakad kami sa ganitong lugar, sa ganoong petsa at oras. Sana patuloy pa rin nag get together kahit wala na'ko, at malamang na kasali na din ako sa Skype conference.
At sa malimit kong kasama, na kung minsan ay itinuturing akong parang lalaki din, mamimiss ko kayo talaga. Ang panonood ng sine, ang mga planado at biglaan paglabas para kumain (lalo na ang pagdayo sa Talisay sakay ng motor), ang biglaang pag-shot pagkatapos maghapunan, ang pagte-text at pagbi-videoke,ang paghatid sa'kin pauwi nang lakad mula kanto (dahil hindi pwedeng malaman ng tatay at nanay ko na naka-motor tayo.hehe!), ang kwentuhan tungkol sa pag-ibig, chicks, movies, atbp., mamimiss kong lahat yun!

mga pinsan na barkada din.
Hay! Masaklap isipin na darating sa puntong iinggitin nyo ako dahil hindi ako kasama sa mga magiging lakad nyo, na hindi ako kasali sa exchange gifts pagdating ng Pasko, na kulang ng isang miyembro ang pamilya ko sa palaro kapag Noche Buena, na mahuhuli na'ko sa sari-saring kwento tungkol sa pag-ibig, trabaho, kapitbahay, at kung ano pa man. Hay ulit! Ang mga biglaang lakad, inuman, trip, o kung anu-ano pang bagay na maisipan, hindi na ako kasali, matagal ko na ulit mararanasan. Mami-miss ko naman kayong tunay na tunay.

mga tito's, tita's, at lola's.
Ang walang puknat na kwentuhan, tawanan at sari-saring okasyon na pinagsasaluhan, mami-miss kong tunay. Ang pagmano at pagbeso pag nagkikita, matagal bago 'ko magawa ulit. Ang masasarap na putahe na hindi matitikman sa ibang kusina, pistahan at kainan, mukhang sasaktan ako ng tiyan oras na manabik ako. At pinakamami-miss ko ay ang mga outings at okasyon na kumpleto ang buong angkan.

mga batang inaanak, pamangkin, at anak ng mga kaibigan ko.
Naku, ang mga anak ko (na hindi naman nahubog sa aking sinapupunan) ay tunay na tunay kong mami-miss. Mahilig ako sa bata, at tuwing makikita ko sila, hindi ko mapigil ang manggigil. Dumadating pa sa puntong, magbabata-bataan ako para lang makalaro sila, at minsan ay ang mangulit din hanggang sa mainis sila. Hindi ko na masusubaybayan ang kanilang paglaki. Mamimiss ko din ang kwento ng mga nanay nila sa kabibohan ng mga batang ito, na talaga namang napapanaginipan ko pa pag minsan. Sa pagbalik ko, tyak malalaki na sila pero sana hindi naman nila ako makalimutan. :')

pamilya ko. (syempre!)
Maingay. Masaya. Magulo. Kahit ganito kami, ito pa rin ang pinaka-iiyakan ko sa lahat ng mami-miss ko.
Ang mameh kong palagi kong kasalungat sa mga bagay-bagay lalo na sa pagdisiplina sa mga kapatid ko; ang siyang sanggunian ko sa damit na suot ko; ang humubog sa aking tinig (sa pagkanta, =P). Kahit minsan ay nakakatulili ang mga kwento nyang paulit-ulit, kahit napapagkamalang kapatid ko siya (na tunay na nakaka-insecure, ha!), at kahit malimit kami magtalo, mamimiss ko siya.
Ang dadeh ko na siyang kakampi ko pag hindi kami magkasundo ng nanay ko, ang pagtugon nya sa oras na may sakit ako (lalo na pag inaatake ako ng asthma), ang pagsundo nya sa'kin sa opisina, ang pagpapasama nya sa grocery at sa pagpapa-gas, ang pagpapataya nya sa'kin sa lotto, at pagpapasensiya niya pag may bantog ang ulo ko. Mamimiss ko ang kamukha ko.
Si Evan, ang kabarkada ko. Mamimiss ko ang pangungulit sa kanya, ang biglaang pagyakap, pagbatok, pagbato, pagpapasundo, pagpapabili ng kung anu-ano, pagsaway sa pag-iingay, pagte-text pag inuumaga ng pag-uwi, ang minsang tampuhan (na ayon sa mga barkada/pinsan namin ay parang sa magboypren) at kung anu-ano pa. Tiyak sa pag-alis ko, isang napakahigpit na akap ang aking iiwan kasama ng ilang dosenang bilin.
Si Cloyd, ang pinagsamang sakit ng ulo at pagaan sa buhay ko. Sakit sa ulo na unti-unti nang nababago, ang nagpapagaan sa gawaing bahay dahil ginagawa naman niya ang mga utos sa kanya. Nagbibinata na, sa dami nang nachi-chicks nya, hindi ko na sila lahat makikilala. Kalakip ng pamamaalam, napakarami ko ding ipagbibilin sa batang ito.
Si RK, ang napakakulit at iyaking si RK. Mami-miss ko ang pagtatanong nya sa mga bagay-bagay na kung saan-saan nya napupulot, ang paggagawa ng projects at assignments, ang paggising sa kanya sa hating-gabi para paihiin sa banyo, ang pag-akay mula sofa hanggang kama, ang pagsasabi ng pagbili ng gustong bagay mula sa kanyang ipon at pagpapasama kapag bibilhin na nya eto.
Si Nene, ang paborito kong si Nene, ang kakambal kong labing-anim na taong huli kesa sa akin. Siya ang pinakamami-miss ko sa lahat; ang mapagkamalang mag-nanay kami (kahit nakakainsulto pag minsan), ang pagyapos niya sa akin ng mahigpit nang walang kadahi-dahilan, ang pagtatabi namin sa pagtulog, ang pagyakap ko sa kanya pag tulog na siya at paghimas nya sa likod ko kahit nakapikit siya, ang pagte-text nya sa akin para magpabili ng gummy bears, gamit sa eskwela, o kung anumang maisipan nyang bilhin, ang paggala namin sa malls na parehas ang estilo ng buhok (lalo na ang bangs), ang pagligo namin nang sabay, ang pagbibihis ko sa kanya, ang pag-eeksperimento sa kung anong bagay na ayos sa buhok nya, ang pagtawag nya sa akin ng "Ka Reena", ang pagtawa nya na parang luka-luka, ang pag-irap nya sa oras na may baltik, ang pagtaktak ng paa nya pag nagdadabog siya sa akin, ang bigla nyang pagsayaw sa harap ng salamin, ang mga pagkokomento nya sa usapang pang-matanda (na kahit gano kaseryoso ang usapan ay bigla-bigla ka na lang matatawa), ang pagdo-drawing nya ng happy family, ang pagbasa ng mga sulat nya para sa mommy, ang pagsulat nya sa kung sinong may birthday sa pamilya, hayyyy.. napakarami pang iba! Maliliit na bagay man, pero nakakatuwang ikwento sa iba kung gano kabibo ang bunso naming ito at kung gano siya ka-mature para sa edad nya. Mahal na mahal ko ang batang eto, kahit siya pa ang mas sabik na umalis na ako dahil sa bilin nyang iPod.

Ilang araw na lang, o mas maigi atang sabihing ilang araw PA, ang lahat ng mga taong ito ay mawawalay sa piling ko pansamantagal. Mami-miss ko kayo. Salamat sa inyo, hanggang sa muli! :')

Comments

Popular posts from this blog

"Pag-Ibig"

Easy Lunch

happy tears.